Friday, July 1, 2011

JM De Guzman, Sasabak na sa Larangan ng Musika

Hindi lang pala mahusay sa pag-arte ang pinakabagong dramatic actor ng industriya na si JM De Guzman, mahusay din pala ito kumanta at sumulat ng kanta.

Nalalapit na ngang ilunsad ni JM ang kanyang self-titled album under Ivory Records sa darating na buwan.

“It’s a 12-track album, ten covers and two of which e sinulat ko,” sabi niya. “Masasabi kong inalam ko naman lugar ko dito. Hindi ko naman pinilit yung hindi kayang makuha ng album. May certain level kumbaga. More on chill type of music maririnig nila.”

Sa kabila ng kanyang pagsabak ng binata sa industriya ng musika, nilinaw ni JM na first love niya pa din ang pag-arte, mapa-telebisyon man o sa teatro.

Ngayon pa lang ay umaani na ng papuri si JM sa kanyang husay sa pag-arte bilang Gabriel sa 2011 remake ng primera klaseng seryeng “Mula sa Puso.”

Isa ang batikan at tinaguriang Box Office Director na si Wenn Deramas sa napahanga ng binata.

“Given more challenging roles, isa si JM sa magiging importanteng actor ng panahong ito,” sabi ni Direk Wenn.

Maging ang ka-loveteam niya na si Lauren Young, na gumaganap naman bilang Via, ay todo papuri rin sa kanya.

“Magaling talaga siyang aktor. Professional siya at versatile. Kaya niyang magpapalit-palit ng emosyon sa maikling panahon na mahirap talaga gawin. Binibigyan niya talaga ng hustisya ang role niya,” sabi ni Lauren.

Sa kabila nito, nanatili namang mapagkumbaba si JM. Lubos din ang pasasalamat niya sa lahat ng nakaka-appreciate sa kanyang pag-arte.

“Sarap naman pakinggan ng mga papuring iyan pero siyempre I remain focused pa rin. Every taping, pahirap ng pahirap so I see to it na prepared ako. Talagang sinasabuhay ko si Gabriel,” paglalahad ni JM.


Nang tanungin kung ito ang nakikita niyang landas na tatahakin niya sa showbiz, sabi ni JM “Oo naman. When I entered showbiz, alam ko na yung posisyon ko at goal ko bilang isang aktor. Andun yung focus ko sa craft ko. Focused ako sa dapat gawin ng character ko. Yung kasikatan bilang artista e palimuti lang yun. Ang importante e alam mo kung paano mo ma-touch ang buhay ng mga manonood sa’yo.”

Sa edad na anim pa lang ay nagsimula na si JM umarte ng siya ay maging bahagi ng gag show na "Ang TV." Tumigil siya para ituon ang oras sa pag-aaral at ng tumuntong siya ng kolehiyo ay kinuha niya ang kursong Theater Arts sa University of the Philippines-Diliman.

Bumalik siya sa telebisyon sa seryeng ” Precious Hearts Romances (PHR) presents Midnight Phantom” na agad sinundan ng “PHR presents Alyna,” “ Martha Cecilia’s Kristine,” at ngayon, “Mula sa Puso.”

Mapapanood din si JM sa ”Ang Babae sa Septic Tank” katambal si Eugene Domingo sa pagbubukas ng 2011 Cinemalaya competition sa Hulyo.

Patuloy na panoorin si JM bilang Gabriel sa ”Mula sa Puso,” Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng ”Marry Me Mary” sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment