▼
Tuesday, November 22, 2011
Pilot Episode ng 'Ikaw ay Pag-ibig,' Inigib Agad ng TV Viewers
Maagang pamasko ang natanggap ng Kapamilya child wonders na sina Zaijan Jaranilla, Xyriel Manabat, Mutya Orquia, at Louise Abuel dahil wagi sa national TV ratings ang pilot episode ng kanilang pinakabagong Primetime Bida telerserye na “Ikaw ay Pag-ibig.”
Ayon sa tala ng Kantar Media/TNS noong Lunes (Nobyembre 21), nagkamit ng 32% na national TV rating ang nasabing Christmas-serye habang 20% lamang ang nakuha ng katapat nito sa GMA 7 na “Amaya.”
Tinutukan ng mga manonood ang pagbubukas ng kwentong tampok ang mga karakter nina Nonoy (Zaijan), ang madiskarteng bata na lumaki sa kalye ng Maynila; Tinay (Mutya), ang masayahing daddy’s girl; Edison (Louise), ang genius kid; at Angelica (Xyriel), ang batang isip-matanda.
Kasama rin sa “Ikaw ay Pag-ibig” sina Dimples Romana, Alfred Vargas, Paulo Avelino, Yen Santos, Bembol Roco, Mark Gil, at ang mga bagong Kapamilya child stars na sina Izzy Canillo at Gerald Pisigan.
Sa ilalim ng direksyon nina Jojo Saguin and Erick Salud, abangan ang "Ikaw ay Pag-ibig" gabi-gabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN, pagkatapos ng “TV Patrol.” Para sa karagdagang updates, mag-log on sa https://www.ikawaypagibig.tv/, sundan ang @IkawayPagibig sa Twitter, o i-‘like’ ang http://www.facebook.com/IkawayPagibig .
No comments:
Post a Comment