Buong sambayanan ay talaga namang nakatutok na nga at hindi bumibitiw sa kapana-panabik na kuwento ng primera klaseng teleseryeng “Mula sa Puso.”
Simula noong Lunes (May 23) ay inuungusan nito ang kalabang programa sa GMA 7 na “Magic Palayok” at magpahanggang ngayon ay patuloy itong namamayagpag sa National TV ratings base sa datos ng Kantar Media.
Natamo nito ang pinakamataas nitong rating na 22% noong Huwebes (May 26) laban sa 15.5% ng “Magic Palayok.” Habang rumaratsada pataas ang ratings ng “Mula sa Puso,” tuloy naman sa pagbaba ang rating ng kalabang Kapuso show na mula 15.8% noong Lunes (May 23) ay nasa 10.8% na lang noong unang araw ng Hunyo.
Nanatili rin ang “Mula sa Puso” na kabilang sa pitong pinakapinapanood na programa nationwide nitong mga nakaraang linggo.
Lubos naman ang pagpapasalamat ng lahat ng bumubuo sa “Mula sa Puso” sa pagsuporta ng mga Kapamilya sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Natutuwa kami na nagugustuhan ng mga manonood ang mga pinaghihirapan naming lahat sa ‘Mula sa Puso.’ Umasa silang mas marami pang mabibigat at di malilimutang eksena kaming ibibigay sa kanila. Abangan din nila ang pagpasok ng mga bagong karakter na babago sa tadhana ng ating mga bida,” sabi ni Executive Producer Mark Gile.
Mas umiigting na nga ang kuwento lalo pa’t nabunyag na ang kasamaan ni Selina (Eula Valdez). Tinututukan na ng lahat kung ano ang gagawin nito makaganti lang kay Magda (Dawn Zulueta). Una na niyang binuweltahan ang kinalakihang kapatid na si Fernando (Ariel Rivera) nang patanggalan niya ng brake ang sasakyan nito na naging dahilan ng pagkabulag.
Sino kaya ang kanyang isusunod? Anong panganib ang maaring kaharapin ni Magda, Via (Lauren Young) at Gabriel (JM De Guzman)?
Huwag palalampasin ang “Mula sa Puso,” Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng “My Girlfriend is a Gumiho” sa ABS-CBN.
No comments:
Post a Comment